Malusog ang Sikat ng Araw sa Ika-walo ng Umaga

Binabalak kong maging payak
Iiwasan ang paglalakad nang may kung anu-anong tinitingnan
Marami ang pulubing nagsasayaw sa lansangan
Paroo’t parito ang namimili sa tindahan
Walang tahimik na pahingahan
Hindi malapitan ang simbahan
Napakatagal ng katarungan.

Susubukan kong maging payak
Malusog ang sikat ng araw sa ika-walo ng umaga
Ito lamang ang gagawin – maglalakad, maglalakad
Paakyat sa bangketang papunta sa noon ay burol ngayo’y paaralan
Walang reklamong nilalanghap
Ang buga ng usok mula sa mga sasakyan
Kasabay ng mga walang-muwang
Walang hinahabol, walang binabantayan
Payak ang paghingal.

Tutuparin ko ang pagiging payak
Isang tunguhin lang sa bawat pag-alis ng bahay
At pagdating doon ay babalik lamang
Hindi na lilingon hindi na sisinsay hindi mag-aalam
Ng mga pighati
Maliban na lamang kung sa ‘king paglabas
Di man lang masilaw
Pagkat walang araw.

Jophen Baui/ Enero 8, 2010